Saturday, February 25, 2006

TSINELAS - Ang Kwento ng Batang Kalye (True Story)

Walang may alam ng pangalan nya. Maski ang guard sa building nina Tini na madalas nakikipag-usap sa kanya. Wala rin nakakaalam kung ilang taon na siya.

Lagi siyang pinangangaralan ng guard na iyon. Mag-ayos siya at maligo. Nangako pa siya na basta maligo siya, bibigyan niya siya ng damit.

Nung linggo, galing sa Makati si Tini. Paakyat na siya ng kanilang apartment nung nilapitan siya ng batang lalaki. Humihingi siya ng lumang tsinelas kay Tini. Sumagot si Tini na wala siyang lumang tsinelas pero bumunot siya ng isang daan at binigay sa bata. Sinabihan niyang bumili na lang ng tsinelas. Pero siguraduhin niyang tsinelas ang bibilhin at hindi gagastusin sa kung saan.

Ilang araw nang nasa ospital ang ina ni Tini. Malubha ang kalagayaan. Inuwi ko si Tini sa kanila kagabi. Pagka parada namin napansin naming may nakatirik na dalawang kandila sa may gate ng building nina Tini. Tinanong namin sa guard kung para saan ang kandila. Nabunggo raw ang batang laging tumatambay sa baba ng building nila. Namatay. Ilang oras pa lang ang nakalilipas.

Kinuwento ng guard na tumawid raw ng fly over yung bata at nag-alangan. Nabundol siya ng taxi. Nakaladkad pa ng ilang metro bago tumigil ang taxi para ihulog ang bata sa kalye at humarurot paalis. Nakuha raw ng isang taxi ang plate number at binigay sa pulis. Ewan naman kung may mangyayari pa doon. Ulila na ang bata at kung saan-saan lang natutulog.

Nalaman ni Tini kagabi mula sa guard na bumalik raw ang bata nung gabing binigyan niya siya ng pera. Gustong ipakita sa kanya yung tsinelas na nabili niya. Sumunod na gabi hinahanap ulit siya. Baka magpapasalamat. Pero nung mga panahong iyon, hindi na mapirmi sa bahay si Tini dahil pabalik-balik sa ospital.

Hindi ko siya kilala pero naiyak ako nung narinig ko iyon. Hindi nakwento sakin ni Tini ang pagtatagpo nila nung bata. Sabi niya kahit papaano sinusubukan niyang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Mga maliliit na bagay lang. Nakita ko sa mata niya na nalungkot rin siya. Lalo nasa ospital ang ina niya, maraming bagay ang dumadaan sa isip niya. Isang sandaling pagtatagpo nila ni Tini pero natamaan ako sa ilang minutong pag-uusap nilang iyon.

Naisip ko kung may iiyak sa pagkawala niya. Malamang wala. Ako na lang siguro.

No comments:

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...